OpenAI

Effective: Nobyembre 12, 2026

Abiso sa Privacy ng ChatGPT Wallet

Hinahayaan ng ChatGPT Wallet ang mga kwalipikadong user na mag-save ng kwalipikadong card sa pagbabayad at utusan ang ChatGPT na gumamit ng kredensyal sa pagbabayad na naka-link sa card na iyon upang mapadali ang pagbili ng user mula sa negosyo. Ipinapaliwanag ng Abiso sa Pribasiya ng Wallet na ito kung paano pinangangasiwaan ng OpenAI OpCo, LLC (“OpenAI,” “kami,” “amin”) ang impormasyon kapag ginagamit mo ang ChatGPT Wallet sa United States. Dinadagdagan nito ang Patakaran sa Pribasiya ng OpenAI⁠. Ang ilan sa impormasyong kinokolekta para sa ChatGPT Wallet ay saklaw din ng Patakaran sa Pribasiya ng OpenAI at ginagamit para sa iba pang mga serbisyo ng OpenAI. Saklaw ng Abiso sa Pribasiya ng Wallet na ito kung paano ginagamit ang impormasyon para lamang sa ChatGPT Wallet.

1. Impormasyong kinokolekta at ginagamit namin

Sa unang paggamit mo ng ChatGPT Wallet, ipapakita sa iyo ang isang secure na card form, kung saan kinokolekta ng aming service provider ang numero ng card, petsa ng pag-expire, code ng seguridad, billing address, at iba pang data para sa beripikasyon. Tumatanggap ang OpenAI ng naka-tokenize na kredensyhal sa pagbabayad at limitadong detalye ng card, tulad ng network, taga-isyu, uri ng card, huling apat na numero, petsa ng pag-expire, bansa o postal code ng billing address, at mga senyales ng pagiging kwalipikado/katayuan. Hindi natatanggap ng OpenAI ang buong numero o code ng seguridad ng credit card.

Kapag ginagamit myo ang ChatGPT Wallet, kinokolekta at ginagamit din namin ang sumusunod na impormasyon:

  • Impormasyon sa Pakikipag-ugnayan at Mga Pantukoy: Kinokolekta namin ang iyong pangalan at impormasyon sa pakikipag-ugnayan, kabilang ang iyong email, numero ng telepono, billing address, address sa pagpapadala, at iba pang impormasyon sa pakikipag-ugnayan o paghahatid na ibinibigay mo at ipinapagamit sa ChatGPT, kasama ang impormasyon ng iyong OpenAI account, gaya ng uri ng subscription at natatanging ID na iniuugnay namin sa iyong account.

  • Impormasyon sa Pagbili at Transaksyon: Kapag ginamit mo ang ChatGPT Wallet upang bumili, nangongolekta kami ng impormasyon tungkol sa negosyo, petsa at oras ng transaksyon, halaga at uri ng pera, at iba pang detalye ng pagbili, kabilang ang pagiging kwalipikado ng card, mga item o serbisyo, dami, buwis, mga bayarin, pagpapadala, mga diskuwento, at mga paglalarawan ng produkto, mga detalye ng tatanggap at pagpapadala, at impormasyon tungkol sa katayuan ng order, gaya ng  awtorisasyon, fulfillment, pagkakansela, refund, dispute, at chargeback. Nangongolekta rin kami ng mga rekord ng mga aktibidad na may kinalaman sa ChatGPT Wallet, kabilang ang kahilingan sa pagbili, aksyon sa pagbili na inaprubahan o tinanggihan mo, resulta ng awtentikasyon, oras at device na ginamit sa pagbili, at mga rekord ng kahilingang isinumite sa negosyo.

  • Impormasyon tungkol sa Device, Seguridad, at Panloloko: Kinokolekta namin ang impormasyon para sa mga layunin ng seguridad at pag-iwas sa panloloko, kabilang ang IP address, uri ng device at browser, bersyon ng app, mga pantukoy at setting ng device, tinatayang lokasyon, aktibidad sa ChatGPT Wallet, mga senyales ng panganib, panloloko, pagkakakilanlan, mga parusa at seguridad, passkey o mga assertion sa awtentikasyon, at impormasyon tungkol sa pinaghihinalaang panloloko, maling paggamit, o mga insidente sa seguridad.

Kinokolekta namin ang malaking bahagi ng impormasyong ito nang direkta mula sa iyo o sa pamamagitan ng iyong paggamit ng ChatGPT Wallet at mga serbisyo ng OpenAI. Tumatanggap din kami mula sa mga negosyo, taga-isyu, network ng card at provider ng pagbabayad ng ilan sa impormasyong inilarawan sa itaas, gaya ng pagiging kwalipikado ng card, data ng token, data ng transaksyon, at mga senyales ng panloloko, pagkakakilanlan, mga pagbabawal, at seguridad, na ginagamit namin alinsunod sa aming mga kasunduan sa mga naturang partido, kung naaangkop.

2. Paano namin ginagamit ang impormasyon ng ChatGPT Wallet

Ginagamit namin ang impormasyong kinokolekta namin para sa mga layuning inilalarawan sa Patakaran sa Pribasiya ng OpenAI⁠, alinsunod sa iyong Mga Kontrol sa Data⁠(magbubukas sa bagong window), at ginagamit din namin ito para:

  • I-set up at panatilihin ang iyong ChatGPT Wallet, kabilang ang pagdaragdag, pagbeberipika, pag-tokenize, pagpapakita, pag-update, at pag-aalis ng mga card at kredensyal;

  • Ihanda, ipakita para sa pag-apruba, isumite, kumpirmahin, at panatilihin ang mga talaan ng mga pagbiling ipinag-uutos mo gamit ang ChatGPT Wallet;

  • Magbigay ng suporta para sa ChatGPT Wallet, kabilang ang pagtulong sa pagsisiyasat ng mga nabigong o pinagtatalunang transaksyon, at pakikipag-ugnayan sa iyo tungkol sa ChatGPT Wallet;

  • Patotohanan ang mga user at mga pag-apruba sa pagbili, pigilan, tuklasin, at imbestigahan ang panloloko, pang-aabuso, mga insidente sa seguridad, at mga ipinagbabawal na transaksyon kaugnay ng ChatGPT Wallet; at

  • Sumunod sa batas, mga pagbabawal, panuntunan ng network ng card, balidong legal na proseso, at mga obligasyong kontraktuwal, protektahan ang mga karapatan at kaligtasan, at ipatupad ang aming mga tuntunin.

3. Paano namin ibinabahagi ang impormasyon ng ChatGPT Wallet

Isinisiwalat namin ang impormasyong saklaw ng Abiso sa Pribasiya ng Wallet na ito sa mga sitwasyong inilalarawan sa Patakaran sa Pribasiya ng OpenAI, gayundin sa:

  • Mga Provider ng Pagbabayad at Seguridad: Nakikipagtulungan kami sa mga provider ng serbisyo sa pagbabayad na ligtas na nangongolekta o nag-iimbak ng mga detalye ng card.  Nakikipagtulungan din kami sa mga vendor ng pagbabayad at seguridad na nagto-tokenize ng mga card, lumilikha ng mga kredensyal sa pagbabayad, nagpoproseso o nagruruta ng mga transaksyon,  nagpapatotoo ng mga pag-apruba, pumipigil sa panloloko, nagbibigay ng mga serbisyo sa cloud, analytics, suporta, o seguridad, at tumutulong sa aming patakbuhin ang Wallet.

  • Mga Negosyo at ang Kanilang Mga Provider: Kapag nagpasimula ka ng pagbiling may kinalaman sa ChatGPT Wallet, kami o ang aming mga vendor ay nagbibigay sa mga negosyo at sa kanilang mga provider ng impormasyong kailangan upang maisagawa at maisakatuparan ang pagbili.

  • Mga taga-isyu ng card at network sa pagbabayad: Kami at ang aming mga provider ay nagbabahagi ng ilang impormasyon sa mga taga-isyu ng card at network ng pagbabayad upang matukoy ang pagiging kwalipikado ng card, gumawa o mamahala ng kredensyal, pahintulutan o iproseso ang isang transaksyon, maiwasan ang pandaraya, at malutas ang mga hindi pagkakaunawaan.

Hindi namin ibinebenta ang impormasyong nakolekta kaugnay ng ChatGPT Wallet o ibinabahagi ito para sa mga layunin ng cross-context behavioral advertising o naka-target na advertising. Ang mga third party gaya ng mga negosyo, taga-isyu, network, at kanilang mga provider ng serbisyo ay nangangasiwa ng impormasyon alinsunod sa sarili nilang mga tuntunin at abiso sa pribasiya kapag kumikilos para sa sarili nilang mga layunin.

4. Pagpapanatili

Mananatili ang isang card sa pagbabayad sa iyong ChatGPT Wallet sa loob ng limitadong panahon pagkatapos mo itong alisin, kung kinakailangan upang i-deactivate ang kredensyal, kumpletuhin ang mga nakabinbing transaksyon, maiwasan ang panloloko, o matugunan ang mga legal na obligasyon. Pinapanatili ng aming provider ng serbisyo ang pinagbabatayang data ng card alinsunod sa kontrata nito at sa mga naaangkop na kinakailangan ng network ng card at ng batas.

Pinapanatili namin ang iba pang impormasyong inilalarawan sa Abiso sa Pribasiya ng Wallet na ito hangga't makatuwirang kinakailangan para sa mga layuning inilarawan sa itaas, at sa maraming pagkakataon, alinsunod sa iyong mga setting. Pakitingnan ang seksyong Pagpapanatili sa Patakaran sa Pribasiya ng OpenAI para sa higit pang impormasyon.

5. Iyong mga pagpipilian at karapatan

Maaari mong piliin kung magdadagdag ng card o aaprubahan ang isang pagbili. Maaari kang mag-alis ng card at pamahalaan ang mga setting ng ChatGPT Wallet sa mga setting ng iyong OpenAI account. Ang pag-aalis ng card ay hindi nagkakansela ng pagbiling naisumite na o nagreresulta sa pagbura ng mga talaang kailangan naming panatilihin para sa mga layuning inilarawan sa itaas.

Pakisuri ang mga seksyong Mga kontrol sa data at Mga karapatan mo ng Patakaran sa Pribasiya ng OpenAI⁠ upang maunawaan ang mga karagdagang pagpipilian at karapatan mo sa pribasiya na naaangkop sa iyo, at kung paano mo magagamit ang mga ito.

6. Mga Bata at Saklaw ng U.S.

Ang Wallet ay inilaan para sa mga nasa hustong gulang sa Estados Unidos at hindi magagamit ng sinumang wala pang 18 taong gulang.

7. Mga Pagbabago 

Maaari naming i-update ang Abiso sa Pribasiya ng Wallet na ito kapag may mga pagbabago sa ChatGPT Wallet. Kapag ginawa namin ito, ilalathala namin ang na-update na bersyon at petsa ng bisa sa pahinang ito, maliban kung kinakailangan ng naaangkop na batas ang ibang uri ng abiso.